(Screegrab sa video ng sinapit ng biktima) |
SANTA CRUZ, Marinduque -- Binawian ng buhay ang isang 61 taong gulang na lalaki na nagngangalang Chrisanto Recto Lazo sa Bgy. Baliis, Santa Cruz, Marinduque matapos siyang tagain sa leeg ng 53 taong gulang na drayber na kinilalang si Erlando Lobino Par na kabaranggay rin ng biktima.
Ayon sa inilabas na Police Report ng Marinduque Police Provincial Office, isang tawag sa cellphone ang natanggap ng Sta. Cruz MPS mula sa isang concerned citizen at ipinaalam na mayroong insidente ng hacking na nangyari sa nasabing barangay pasado 9:10 ng gabi, Hunyo 5, 2022.
Dahil dito, agad na nagtungo ang pangkat na pinamumunuan ni PEMS Henry A Palustre, kasama ang IOC upang i-verify ang katotohanan ng impormasyon at makapagsagawa na rin ng imbestigasyon. Nagsagawa rin ng koordinasyon ang team sa Rural Health Unit (RHU I) at Marinduque Provincial Forensic Unit.
Lumabas sa imbestigasyon na ang biktima at suspek ay kapwa nasa tirahan ni Sonny Perfiñan at dumalo sa pagdiriwang ng kaarawan ng huli kung saan nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo. Pagkaraan nito, umuwi ang suspek, kumuha ng bolo at tumuloy sa lugar ng insidente. Samantala, dumating ang biktima, at doon mismo ay tinaga ng suspek na tinamaan ang kanyang leeg na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.
Matapos ang insidente, boluntaryong sumuko ang suspek kay Brgy. Captain Ramil Rolluque dala ang armas na ginamit at kasunod na turn-over sa mga rumespondeng tauhan ng PNP ng Sta Cruz MPS.
Ayon kay Dr. Honesto Marquez Jr., attending physician, nagtamo ng lacerated wound sa leeg ang biktima. Nasa kustodiya na ngayon ng Sta. Cruz MPS ang suspek para sa dokumentasyon at tamang disposisyon. (DERE)
No comments: