Narito ang mga alituntuning dapat sundin sa paglabas at pagpasok ng lalawigan alinsunod sa ipinalabas na Executive Order No. 28, Series of 2021 na magtatagal mula Agosto 16 hanggang Agosto 31, 2021.
Ang mga lokal at dayuhang turista ay hindi muna hinahayaang pumasok sa lalawigan mula Agosto 16 hanggang 31.
Ang mga APOR at NON-APOR ay kinakailangan munang kumuha ng Travel Coordination Permit o TCP bago payagang makapasok. Ang mga walang TCP ay hindi muna hahayaang makapasok at ang pagamit naman ng S-Pass ay sususpendehin muna.
Ang sinumang pumasok na nagpakita ng pekeng TCP, S-Pass o sertipiko ng COVID testing ay pagbabawalan ng makapasok sa lalawigan.
Ang mga APOR ay binubuo ng mga opisyal ng gobyerno, OFW’s, returning Filipino na hindi OFW, drivers/ helpers ng mga cargo trucks at medical related service vehicles. Ang mga sumusunod ay kailangan pa ding kumuha ng TCP bago makapasok sa lalawigan.
Ang lahat ng mga APOR maliban sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno ay kinakailangang sumailalim sa Antigen Test o RT-PCR Test bago ang pagbyahe sa probinsiya.
Ang mga opisyal at kawani ng gobyerno ay exempted sa pagkuha ng Antigen Test at RT-PCR dahil sa bisa ng IATF Resolution No. 98-a, Series of 2021. Ngunit kung kakikitaan ng mga sintomas sila ay dadalahain agad sa mga Rural Health Unit.
Ang mga OFW at returning Filipinos non-OFW ay kinakailangang sumailalim sa RT-PCR test bago makapasok sa lalawigan. Maari silang papasukin ng Marinduque matapos ang sampung araw ng quarantine, ang natitirang apat na araw ay bubunuin sa lalawigan kung papasanin ng OWWA ang mga gastusin sa pag-quarantine.
Dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan hindi muna pinapayagang makapasok ang mga non-APOR’s liban na lamang kung mayroong karampatang kadahilanan ngunit inaasahan pa din silang sumailalim sa RT-PCR Testing o Antigen Test.
Ang mga nawalan ng trabaho sa kasagsagan ng pandemya sa ibang lugar ay pinapayuhang mag-apply sa Balik-Probinsiya 2 Program.
Ang mga residente ng Marinduque na nagnanais na bumalik lamang palabas at papasok ng probinsya ay kinakailangan ng Travel Coordination Permit (TCP) mula sa Office of the Governor o sa satellite office sa Municipal Hall ng Santa Cruz. Ito ang magsisilbing permit sa kanilang pagbabalik.
Kung lalagpas ng apat (4) na araw sa labas ng Marinduque, kinakailangan nang sumailalim sa Antigen o RT-PCR Test at ipakita ang negatibong resulta nito bago ang takdang pagbiyahe papuntang Marinduque. Ang mga sanggol ay hindi na kailangang sumailalim sa COVID-19 testing.
Pagdating sa Marinduque, ang residente ay kinakailangang sumailalim sa masusing medical at exposure assessment ng Rural Health Unit (RHU) sa bayan kung saan siya nakatira. Kung may sintomas, kinakailangang sumailalim sa RT-PCR Test at i-quarantine sa Barangay quarantine facility habang hinihintay ang resulta ng RT-PCR Test. Kung positibo, ang residente ay kinakailangang manatili sa Barangay quarantine facility kung saan kukumpletuhin ang kabuuang labing-apat (14) araw na quarantine period na kinakalkula mula sa simula ng quarantine. Ang mga Chief ng RHU ay maaaring i-extend ang quarantine period depende sa sitwasyon ng pasyente.
No comments: