Dahil sa pagsipa ng kaso ng COVID-19 at sa presensiya ng Alpha at Beta variant sa lalawigan magpapatupad ang pamahaalaang panlalawigan ng Executive Order No. 28, series of 2021, upang amyendahan ang nauna ng ipinatupad na Executive order No. 26, series of 2021 na naglalayon sanang pigilin ang pagkalat ng mga nasabing variant.
Ang Executive Order ay ipapatupad mula August 16 hanggang August 31, 2021 ay isinasaad ang mga sumusunod:
Lahat ng mga lokal at dayuhang manlalakbay ay hindi pinapayagang pumasok sa lalawigan mula August 16 hanggang August 31. Ang mga APOR at NON-APOR ay kinakailangan munang kumuha ng Travel Coordination Permit (TCP) bago makapasok sa probinsya.
Sa ilalim ng E.O. ay ipinagbabawal na din ang pag-home quarantine na papayagan lamang kung ang lahat ng mga kasambahay ay positibo o kailangang isailalim sa quarantine. Ang lahat ng kakakitaan ng sintomas ng COVID-19 ay kailangang dalahin sa barangay isolation facility.
Inuutusan din ang lahat ng mga kapitan ng barangay na mag-ronda upang mabantayan kung naipapatupad ba ang mga health protocols. Binibigyan ng kapangyarihan ang barangay na manghuli ng mga lalabag na maaring idulog at dalahin sa pulisya. Ipinagbabawal din ang pagamit ng videoke mula ika-10 ng gabi hanggang ika-6 ng umaga. Ang mga kapitan at Barangay Health workers ay inaasahan ding magsasagawa ng home visitation upang makita ang kalagayan ng mga pamilya at kung may makikitang may sintomas ay mangyari lamang na ipaalam sa municipal health officer. Sa ilalim ng E.O. ipapatupad pa din ang curfew mula alas-8 ng gabi hangang ika-5 ng umaga.
Para naman sa mga pagtitipon ipinagbabawal na muna ang mga social gatherings. Bagaman pinapayagan pa din ang mga sumusunod pagtitipon kung ito ay may kinalaman sa kalusugan, pagbibigay ng serbisyo ng gobyerno, at humanitarian activities. Ang misa at iba pang religious gatherings ay nililimitahan lang hanggang sa 30% ng kapasidad ng pagdarausan nito.
Nagpalabas din ng mga alituntunin para sa lamay at paglilibing, ayon sa E.O, 30% lamang ng kapasidad ng pinaglalamayan ang pnapayagan at inaasahang ang paglalamay ay hindi lalagpas ng tatlong araw at ititigil ang pagdalaw tuwing alas-10 ng gabi. Ang paglilibing ay inaasahang tutupad sa mga health regulations at kung may paglabag maaring magpatupad ng kanilang tungkulin ng barangay at ang kapulisan.
Para naman sa mga establisyemento, pinapayagan lamang ang 50% ng venue capacity at kinakailangan ding magtalaga ng Anti-COVID 19 officer na may tungkuling bantayan kung nasusunod ba ng mga minimum health protocols at iba pang alituntuning may kinalaman sa COVID-19.
Ipinagbabawal din ang pagbubukas ng karaoke bars, bars, clubs, concert halls at teatro. Gayon din ang mga palaruan. Ang mga pasugalan ay ipinagbabawal din liban na lang kung para sa pag-eere ng online sabong na lisensyado ng PAGCOR.
Ang mga opisina ng gobyerno ay inaasahan ding magtatalaga ng Anti-COVID-19 officer at ang lahat ng mga empleyado ay dadaan muna sa mga medical examinations. Ang magpapakita ng mga sintomas ay pinapayuhang dumaan sa RT-PCR test at mag-quarantine. Ang lahat ng opisina ng gobyerno ay inaasahang magsasagawa ng medical examinations at assessment ayon sa itinalagang schedule ng Provincial Health Office.
No comments: