#TOKYO2020: Isa sa mga pinakatumatak na imahe sa aking murang isipan noong bata pa ako ay ang malinis na kalsada at tila pagtigil ng oras tuwing may laban ang pambansang kamao, Manny Pacquiao.
Tumitigil ang lahat, nababawasan ang nagsisimba, namamalengke, naglalaro sa labas at lahat ay nakatutok sa mga radyo at telebisyon.
Ibang klaseng pagmamahal ang ibinibigay ng mga Pilipino sa larong boksing n hindi naman kataka-taka dahil maraming Pilipino ang nakilala sa larangang ito gaya nina Manny "Pacman" Pacquiao, Luisito Espinosa, Nonito Donnaire,Diodado "Speedy Dado" Posadas, Pancho Villa, Rolando Bohol at Gabriel "Flash" Elorde.
Sa kasaysayan ng Olympics mayroon na tayong walong boksingerong nakakuha ng medalya sa naturang patimpalak ito ay kinabibilangan nina Jose Louis Villanueva nakakuha ng tansong medalya noong 1932, Anthony Villanueva na nakakuha ng pilak na medalya noong 1964, Leopoldo Serrantes bronze medalist noong 1988, Roel Velasco na nakakuha ng tansong medalya noong 1992 at nandiyan din ang silver medalist na si Mansueto "Onyok" Velasco na nakakuha ng medalya noong 1996.
At ngayong taon nga ay nadagdag sa listahan ang tatlo pang boksingerong sina Carlo Paalam,silver medalist at Eumir Martial, bronze medalist. At ang unang babaeng boksingero na nakakuha ng medalya na si Nesthy Petecio na nakakuha ng pilak na medalya.
Ang boksing ay isa sa mga larong mahal na mahal ng mga Pilipino, marahil ito ay sa kadahilanang ang larong boxing ay sumusubok sa katatagan at ito ay isang katangian ng mga Pilipino. Ang bawat pagtapak sa lonta ay pagpapakita ng katapangan ng mga Pilipino, ang bawat suntok ay sumisimbolo sa mga hamon at ang bawat pagbangon mula sa pagkakatumba ay simbolo ng walang katapusang pagsusumikap ng mga Pilipino upang magpunyagi.
Pagpupugay sa mga boksingerong Pilipino at mabuhay lahat ng atletang Pinoy. (DAM)
No comments: